Sugat sa likod na bahagi ng kanyang katawan ang tinamo ng isang mekaniko matapos itong pagtatagain ng kanyang sariling pamangkin sa bayan ng Aguilar, Pangasinan.
Isinalaysay mismo sa Bombo Radyo Dagupan ni Police Captain Romel Sembrano, hepe ng Aguilar Police Station ang nangyaring insidente sa pagitan ng biktima na si Reynaldo Peralta, 47 anyos at suspek na nakilala namang si Acxel Anthony Lomibao, 24 anyos kapwa residente ng Dike 1, Brgy. Baybay sa nabanggit na bayan.
Ayon sa hepe, nag ugat umano ang pananaga ni Lomibao sa kanyang sariling tiyuhin matapos madiskobre ang tangka nitong pag gahasa sa kanyang asawa at dalawang-taong gulang na anak.
Pahayag pa ng hepe, nadatnan umano ng suspek ang kanyang mag ina na umiiyak sa isang sulok ng kanilang tahanan. Kanya naman aniyang tinanong ang mga ito at kanilang inamin at isinalaysay ang tangkang pangmomolestya sni Peralta.
Agad namang nilapitan ni Lomibao ang kanyang tiyuhin na si Peralta upang tanungin sana ito, ngunit sa halip na magkaroon ng maayos na pag uusap, ay mainit na sagutan ang tumambad sa kanila na kalaunan ay nauwi naman sa pananaga ng biktima sa suspek.
Maswerte namang sugat lamang sa kanyang likod ang tinamo ng suspek na ngayon ay kasalukuyan ng nagpapagaling sa ospital.
Napagalaman na si Lomibao at Peralta ay kapwa naninirahan lamang sa iisang bahay. with report from Bombo Cheryl Ann Cabrera