“Hindi pa handa ang Pilipinas sa paglelegalisado ng Marijuana,” ito ang binigyang-diin ni Dr. Jess Canto, Former Director ng Region 1 Medical Center, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa usapin sa pagkonsidera sa paggamit ng medical marijuana o cannabis, matapos maglabas ng pahayag si US President Joe Biden kaugnay ng pagbabago sa polisiya ng nasabing bansa sa paggamit at muling pag-aaral sa pag-classify ng naturang halaman.
Dagdag pa nito na bagamat may mga medikal na benepisyo ang nasabing halaman, ay may mga kaakibat naman itong mga negatibong epekto kahit pa regulated ang paggamit nito, gaya ng pamumula ng mata dahil sa ruptured blood vessels, at pagpapalala ng mga mental health disorders gaya ng schizophrenia at gayon na rin sa Parkinson’s disease.
Maliban pa dito ay ipinahayag din ni Dr. Canto na maaari itong magdulot ng problema sa respiratory system ng isang indibidwal.
Kaugnay nito ay binigyang-diin pa nito na hindi talaga gumagamit ang mga medical practitioners ng cannabis o medical marijuana sa paggamot ng mga chronic pain, subalit opium ang mga gamit nila sa paggamot sa mga nasabing karamdaman dahil batid ng kanilang hanay ang panganib na dulot ng paggamit ng medical marijuana gaya ng pagkompromiso sa immune system ng isang indibidwal.
Bagamat pabor si Canto sa regulated use ng cannabis, muli nitong idiniin na maaari namang ikasira ng bansang Pilipinas kung hindi mare-regulate o kung hindi striktong masusunod ang regulated use ng naturang halaman, lalo na’t kulang pa o hindi pa sapat ang kaalaman ng Pilipinas sa mga tamang hakbang at preparasyon sa paggamit ng cannabis.