Dagupan City – Ibinalik na sa Blue Alert Status ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Sual matapos bumalik sa normal ang lagay ng panahon sa ilang barangay.
Ayon kay Jelanberg Rigonen, Administrative Aide I ng MDRRMO Sual, kabilang sa mga barangay na una nang pinayuhan ay ang Brgy. Baybay Sur at Norte, pati na rin ang iba pang coastal barangays.
Nakipag-ugnayan umano ang kanilang tanggapan sa LGU at Philippine Coast Guard upang masigurong ligtas ang mga residente sa banta ng sama ng panahon.
Nilinaw rin niya na kahit ibinaba na ang alert status, nananatiling naka-alerto ang kanilang tanggapan sa posibleng epekto ng mga paparating pang bagyo.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal muna ang pagpapalaot ng mga mangingisda bilang pag-iingat sa posibleng biglaang paglakas ng alon at masamang panahon.
Pinayuhan naman ng MDRRMO ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na abiso mula sa lokal na pamahalaan at ahensyang tulad ng PAGASA at Philippine Coast Guard.