DAGUPAN CITY- Buong pinaghandaan na ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office San Nicolas ang pagdaan ng Bagyong Uwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shallom Gideon Balolong, Officer ng naturang ahensya, huwebes pa lamang ay nagsagawa na sila ng Pre-Disaster Risk Assessment meeting.
Aniya, nakapagtalaga na ng kani-kanilang pwesto ang kanilang mga tauhan para sa oras ng emerhensiya.
Kaniyang tiniyak na nakabukas na ang mga evacuation centers upang tumanggap ng mga lilikas, partikular na para sa mga high risk areas na kanilang binabantayan.
Pinapaalalahan naman nila ang mga residente na makinig at sumunod sa abisong pag-likas upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Nagsagawa na rin sila ng precautionary measures upang makaiwas sa anumang hindi inaasahang insidente, kabilang na ang pansamantalang pagsara sa Villa Verde Road sapagkat ito ay landslide prone area at pagputol na rin sa mga puno na maaaring pagmulan ng kapahamakan.
Ani Balolong, inabisuhan na nila ang mga motorista na maaaring dumaan sa Umingan-Lupao Road bilang alternatibong ruta palabas ng lalawigan.
Alinsunod naman sa kautusan ng Provincial Government, nakahanda na silang isuspinde ang pasok sa mga paaralan at trabaho sa gobyerno.
Samantala, nagpaalala rin si Balolong sa mga magsasaka na siguraduhing nasa ligtas na lugar ang kanilang mga alagang hayop upang mabawasan ang kanilang iisipin sa oras na maramdaman na ang epekto ng bagyo.
Para sa oras ng pangangailangan, maaaring matawagan ang kanilang tanggap sa numerong 09178130141.










