Dagupan City – Isinagawa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng San Jacinto ang isang Basic Life Support o BLS training para sa mga mag-aaral ng Lobong National High School bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa mga posibleng emerhensiya sa loob ng paaralan.

Nakatuon ang pagsasanay sa tamang paraan ng pagbibigay ng paunang lunas, kabilang ang wastong pagbabalot ng sugat at ang tamang paggamit ng spine board sa mga biktima ng aksidente.

Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga mag-aaral na tumugon nang maayos at ligtas sakaling magkaroon ng insidente ng pinsala o sakuna.

Sa pamamagitan ng mga aktwal na demonstrasyon at hands-on na pagsasanay, nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na maunawaan at maisagawa ang mga pangunahing hakbang sa emergency response.

--Ads--

Tiniyak din ng mga tagapagsanay na malinaw na naipapaliwanag ang bawat proseso upang magkaroon ng sapat na kaalaman at kumpiyansa ang mga mag-aaral.

Ipinapakita ng inisyatibong ito ang patuloy na pagsisikap ng MDRRMO San Jacinto na palakasin ang disaster preparedness at itaguyod ang kamalayan sa kaligtasan hindi lamang sa mga paaralan kundi pati na rin sa buong komunidad.

Sa ganitong paraan, mas nagiging handa ang mamamayan sa pagharap sa anumang uri ng emerhensiya.