DAGUPAN CITY- ‎Nakaalerto na ang lahat ng mga emergency responders sa bayan ng Manaoag, Pangasinan, sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto sa kilalang distinasyin tuwing Semana Santa ang Minor Basilica our lady of the holy rosary Manaoag

Ayon kay Carlito Hernando, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Manaoag, naka-activate na ang Incident Command System ng mga awtoridad bilang paghahanda sa posibleng dami ng mga bisita.

Noong nakaraang taon, mula Lunes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay, tinatayang umabot sa mahigit kalahating milyong deboto ang bumisita sa Manaoag Church. Inaasahan na ang bilang na ito ay maaaring maulit o mas tumaas pa ngayong taon.

Dagdag pa ni Hernando, posible ring isarado ang ilang mga kalsada sa poblacion upang maiwasan ang anumang insidente. May nakatalaga namang re-routing areas para sa mga motorista na hindi dumadaan sa simbahan. Bubuksan naman ang mga kalsada tuwing madaling araw upang bigyang-daan ang ilang motorista, ngunit ito ay nakadepende sa dami ng mga taong nasa lugar.

Bukod sa mga pulis, traffic enforcers, at iba pang emergency personnel, naka-deploy din ang mga health responders sa iba’t ibang bahagi ng bayan upang agad na makaresponde sakaling magkaroon ng anumang aberya o problemang pangkalusugan sa hanay ng mga deboto. Magkakaroon din ng mga medical stations na madaling lapitan kung kinakailangan ng tulong-medikal.

Paalala ni Hernando sa mga deboto: magbaon ng tubig dahil sa matinding init ng panahon, at siguraduhing may ID at contact number ang mga batang kasama upang madaling maibalik sa kanilang mga magulang sakaling sila ay mawala.