DAGUPAN CITY- Magsasagawa ng iba’t ibang aktibidad ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calasiao ngayong Hulyo bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.
Layunin ng mga ito na mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa kahandaan at kaligtasan sa panahon ng sakuna.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, LDRRMO III, idinaos ang isang pagpupulong kung saan natalakay ang mga programang ipinatupad para sa selebrasyon.
Aniya, isa sa mga pangunahing pokus ang pagpapanatili ng kalinisan sa bayan, lalo na sa mga ilog upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng tubig-ulan at maiwasan ang pagbaha, lalo na’t catch basin ang nasabing bayan.
Magsasagawa rin ng information awareness campaigns sa mga paaralan at iba’t ibang establisimyento upang paigtingin ang kaalaman ng publiko sa disaster preparedness.
Nagbibigay rin ang MDRRMO ng mga lecture sa mga elementaryang paaralan, kabilang ang basic first aid at basic life support o CPR. Isinagawa rin ang regular na earthquake drill kada quarter upang mapanatili ang kahandaan ng mga paaralan at iba pang institusyon.