Dagupan City – Nakaalerto na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calasiao, Pangasinan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng patuloy na pabagu-bagong panahon.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, tagapagsalita ng MDRRMO Calasiao, nakipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa mga personnel upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang insidente.
Bagama’t nakararanas ng mga isolated rainshowers ang kanilang lugar, sinabi ni Soriano na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang clearing operations. Aniya, naalis na ang mga punong bumagsak at iba pang sagabal sa mga kalsada, habang nagpapatuloy rin ang river cleanup drives sa Parongking River at Siunucalan River.
Dagdag pa niya, nananatiling nasa below normal level ang tubig sa mga naturang ilog at wala pang naitatalang banta ng pagbaha sa kasalukuyan.
Tiniyak din ni Soriano na nakahanda ang mga evacuation center ng bayan sakaling kailanganing ilikas ang mga residente.
Samantala, kaugnay ng Intensity 1 na lindol na naramdaman kahapon, sinabi ni Soriano na agad silang nakipag-ugnayan sa mga paaralan upang magsagawa ng assessment.
Batay sa isinagawang pagsusuri, wala umanong naitalang malaking pinsala o iba pang significant effects sa mga paaralan, kaya walang klase ang kinailangang suspendihin. Aniya, nananatiling ligtas ang mga gusali at patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon.










