Naka-full alert at patuloy na pinaiigting ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Binmaley ang mga paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa harap ng banta ng masamang panahon at posibleng pagbaha sa mga low-lying areas ng bayan.
Ayon kay Armenia T. Delos Angeles, OIC-MDRRMO ng Binmaley, inatasan ang lahat ng barangay na magsumite ng situational report kada anim na oras upang masubaybayan ng MDRRMO ang aktwal na kalagayan sa bawat lugar, lalo na sa mga mabababang bahagi ng bayan na madalas maapektuhan ng pagtaas ng tubig. Sa pamamagitan nito, mas madaling matutukoy kung aling mga lugar ang nangangailangan ng agarang pagtugon at tulong.
Bukod sa mahigpit na monitoring, sinabi ni Delos Angeles na nakahanda na rin ang mga sasakyan, rescue vehicles, evacuation centers, at mga stockpile ng relief goods. Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng MDRRMO sa mga barangay, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Municipal Social Welfare and Development Office upang matiyak ang maayos na koordinasyon sa oras ng emerhensiya.
Tiniyak din ng opisyal na handa ang rescue teams ng bayan at one call away ang mga tauhan sakaling kailanganin ang agarang pagresponde. Nakahanda rin ang rescue truck, rubber boat, at iba pang kagamitang kakailanganin sa posibleng paglikas at pagsagip ng mga residente.
Nagpaalala rin ang MDRRMO sa mga residente na maging alerto at agad makipag-ugnayan sa kanilang barangay o sa hotline ng MDRRMO kung makararanas ng pagbaha o anumang panganib. Aniya, bukas at handa ang mga evacuation center sakaling kailanganing ilikas ang mga residente mula sa mga apektadong lugar.
Kaugnay nito, mahigpit ding pinayuhan ng MDRRMO ang mga mangingisda na huwag nang pumalaot sa malalayong bahagi ng dagat lalo na ngayong may umiiral nang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Pangasinan. Bagama’t may ilan pa ring pumapalaot sa malalapit na bahagi ng dagat, binigyang-diin ng opisyal na mas mahalaga ang kaligtasan kaysa sa anumang kabuhayan.
Para naman sa mga nakatira sa mga low-lying areas at malapit sa riverbanks, hinikayat silang manatili sa ligtas na lugar, iwasang lumabas lalo na ang mga bata, at agad ipagbigay-alam sa kanilang barangay kung may pagtaas ng tubig upang makapagdesisyon agad kung kinakailangan na ang pre-emptive evacuation. Patuloy namang naka-standby ang MDRRMO Binmaley upang magbigay ng agarang tulong sa oras ng pangangailangan.










