Tiniyak ni Josephine Robillos, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Basista, Pangasinan, na patuloy silang nagbabantay sa galaw ng Bagyong Obet upang agad na maihanda ang mga residente sa posibleng epekto nito.
Ayon kay Robillos, kabilang sa kanilang pangunahing tinututukan tuwing may kalamidad ang mga low-lying area sa Barangay Dumpay, Cabeldatan at Obong na mas madaling maapektuhan ng pagbaha.
Gayunman, sinabi niyang bagama’t tumataas ang tubig-baha sa ilang lugar, mabilis din naman itong humuhupa matapos ang pag-ulan.
Sa kasagsagan ng pagtaas ng tubig, tatlong residente ang inilikas sa evacuation center, habang ang iba naman ay pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Ani Robillos, nakagawian na ng ilang pamilya na unang lumikas sa tahanan ng kanilang mga kamag-anak sa oras ng kalamidad.
Samantala, magsasagawa ngayong araw ng pagpupulong ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council upang talakayin ang mga naitalang pinsala sa kabuhayan, pananim at livestock, gayundin ang bilang ng mga residenteng naapektuhan ng bagyo.
Dagdag ni Robillos, naiparating na rin sa mga kinauukulan ang tungkol sa lokal na suspensyon ng klase sa mga paaralan bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Obet.










