Dagupan City – Mas pinaigting ng San Jacinto Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang ugnayan para tiyaking handa ang mga kagamitan sa pagresponde sa oras ng sakuna.
Sa isinagawang pagpupulong, masusing sinuri at in-update ang mga rescue equipment sa buong munisipyo.
Tiniyak ng dalawang ahensya na nasa ayos, gumagana, at madaling maabot ang mga gamit sa oras ng emergency kabilang ang sa lindol, sunog, baha, at iba pang insidente.
Bahagi ito ng patuloy na paghahanda ng mga awtoridad para masigurong mabilis ang pagresponde at maayos ang daloy ng operasyon, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad.
Hindi lamang kagamitan ang ininspeksyon kundi pati na rin ang koordinasyon ng bawat team. Pinagtuunan ng pansin kung paano mapapabilis ang aksyon sa mismong ground level mula sa pagtanggap ng tawag hanggang sa pagdating sa lugar ng insidente.
Mahalaga umano ang regular na pagtutulungan ng MDRRMO at PNP upang maiwasan ang pagkaantala sa oras ng kagipitan.
Sa pamamagitan nito, mas mapoprotektahan ang komunidad at masisiguro ang maayos na pagtugon sa mga krisis.