Maigting na tinututukan ngayon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Asingan sa lalawigan ng Pangasinan ang paghahanda sa posibleng banta ng Severe Tropical Storm “Paolo,” sa kanilang bayan.
Itinaas na sa heightened alert status ang nasabing opisina upang masiguro ang kahandaan ng buong bayan dahil inaasahan na ngayong araw ay maglaland fall ang bagyo sa Isabela.
Kabilang sa mga agarang hakbang na isinasagawa ay ang pag-activate ng emergency operations center 24/7, pagtatalaga ng mga evacuation center na may sapat na suplay ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang pangangailangan.
Nakatutok din ang mga rescue team sa mga lugar na madalas bahain at landslide-prone areas upang magbigay ng babala at tumulong sa paglikas kung kinakailangan.
Inatasan din ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Health Office (MHO), at lahat ng Punong Barangay na magpatupad ng kani-kanilang contingency measures.
Kabilang dito ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa bagyo, paglilinis ng mga drainage, paghahanda ng mga kagamitan sa pagliligtas, at pagtukoy sa mga vulnerable na residente tulad ng mga senior citizen, buntis, may kapansanan, at mga nakatira sa mga delikadong lugar.
Hinikayat din ang mga residente na maging alerto, makinig sa mga anunsyo, at sumunod sa mga evacuation order kung kinakailangan.