Dagupan City – Nagpahayag ang MDRMMO Calasiao ng kahandaan sa pagtugon sa mga insidente sa trapiko at medical emergency, lalo na ngayong sunod-sunod ang mga bagyo at maulan.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, spokesperson ng ahensya, hinihikayat nila ang publiko na agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kapag makakita o makaranas ng aksidente sa kalsada.
Ipinabatid niya na may mga katuwang na ahensya at response clusters na handang tumulong kapag kulang ang manpower o kagamitan.
Hindi umano matiyak kung gaano kalala ang magiging epekto ng mga insidente, kaya mahalaga na palaging handa ang mga rescuers sa kanilang mga kagamitan upang mas mabilis at maayos na maisagawa ang rescue operations.
Nananawagan din ang MDRMMO sa mga motorista at mga nakakasaksi ng aksidente na magbigay ng sapat na espasyo para sa mga rescuers upang hindi maging hadlang sa kanilang trabaho.
Bagamat likas ang kagustuhang tumulong ng publiko, mas mainam pa rin aniya na makipag-ugnayan muna sa ahensya para sa mas maayos na koordinasyon.
Binibigyang-diin din nila ang pagpapatibay sa mga pagsasanay ng kanilang mga personnel upang mas epektibo ang pagtugon sa mga pangyayari.
Aniya na kadalasang nagkakaroon ng insidente sa bayan ng Calasiao, lalo na sa Barangay Bued dahil ito ay bahagi ng national road.
Nilinaw din ng MDRMMO na bukod sa PNP, bukas din ang 911 hotline sa lahat, ngunit mas mainam kung direktang tatawagan ang kanilang tanggapan para sa agarang aksyon.
Pinapaalalahanan ang lahat na mag-ingat sa kalsada, lalo na ngayong maulan, upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.