Patuloy na nakakaranas ng matinding wildfire ang Spain at France, na nagdulot ng paglikas ng libo-libong residente at malaking pinsala sa mga apektadong lugar.

Ayon sa mga awtoridad, ang matinding init, tuyong panahon, at malalakas na hangin ang dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Sa Spain, patuloy ang sunog sa mga lugar malapit sa Madrid. Ayon kay Eva Tinaza, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, umaabot na sa kabisera ang makapal na usok at matinding init.

--Ads--

Sinabi rin niya na kahit mahigit isang oras ang layo nila sa lugar ng sunog, naaamoy pa rin nila ang usok.

Mahigit 45,000 katao na ang inilikas sa mga evacuation center.

Gumagamit ang mga bumbero ng water bomber aircraft at mga helicopter upang mapigilan ang pagkalat ng apoy.

Pinaniniwalaang nagsimula ang sunog sa tuyong damuhan sa gilid ng highway na posibleng dulot ng electrical fault.

Dahil sa temperaturang umaabot sa 40 hanggang 45 degrees Celsius, mabilis na kumalat ang apoy.

Nagdulot din ang wildfire ng problema sa transportasyon dahil sa pagsasara ng ilang kalsada at pagkaantala ng biyahe ng mga bus at tren.

Pinapayuhan din ang mga residente na magsuot ng face mask at umiwas sa mga lugar na may makapal na usok upang maiwasan ang sakit sa paghinga.

Samantala, patuloy ding lumalala ang wildfire sa timog-kanlurang bahagi ng France.

Ayon kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, mahigit 141,000 katao na ang inilikas habang libu-libong ektarya ng kagubatan ang nasunog.

Kabilang sa mga pinakaapektadong lugar ang Cap Ferret Peninsula, Arcachon Basin, at mga komunidad malapit sa Bordeaux.

Ayon kay Valdez, nagsimula ang panibagong sunog noong Hulyo 22 at mabilis itong kumalat dahil sa matinding init at malalakas na hangin.

Sa pinakahuling ulat, mahigit 100 bahay ang natupok at 42 bumbero ang nasugatan habang wala pang kumpirmadong nasawi.

Malaki rin ang epekto ng wildfire sa turismo dahil maraming camping sites at tourist destinations ang isinara at inilikas ang mga tao.

Humingi na ng tulong ang France sa European Union, at nagpadala ng firefighting teams at kagamitan ang ilang bansa upang tumulong sa pagsugpo sa sunog. Patuloy ding nagbabantay ang mga awtoridad dahil inaasahan pa ang panibagong heat wave na maaaring magpalala sa sitwasyon.