Nagdulot ng agarang pagbaha sa ilang lugar sa Pangasinan, kabilang ang Dagupan City, ang matinding pag-ulan na halos katumbas ng dami ng ulan na karaniwang natatanggap sa loob ng isang buwan ngunit bumuhos sa loob lamang ng isang araw.

Ayon kay Melykhen Bauzon, Head ng Public Alert Response Monitoring Center (PARMC) Dagupan, nagpatuloy ang pag-ulan nang halos isang linggo, na pinalala pa ng high tide na nakaapekto sa mabilis na pag-agos ng tubig palabas ng lungsod.

Ipinaliwanag ni Bauzon na mas mababa ang elevation ng Dagupan kumpara sa ilang karatig-lugar. Nasa tinatayang 1.5 meters above sea level ang lungsod, habang nasa humigit-kumulang apat na metro above sea level ang Calasiao, dahilan upang magkaroon ng backflow o pagbabalik ng tubig patungo sa mabababang lugar.

--Ads--

Samantala, kahit hindi nagbukas ng gate ang San Roque Dam, sinasalo nito ang tubig mula sa Ambuklao at Binga Dams.

Noong Agosto 8, tig-apat na gate ng Ambuklao at Binga Dams ang nag-release ng tubig, na umabot sa 281 cubic meters per second, na nakadagdag sa volume ng tubig na dumadaloy sa mga ilog at mabababang lugar.

Ayon sa mga awtoridad, ang kombinasyon ng matinding pag-ulan, mataas na tubig-dagat at pagtaas ng water level mula sa mga dam ay kabilang sa mga salik na nagpalala sa pagbaha sa ilang lugar sa Pangasinan at Dagupan City.