Sa nalalapit na halalan ngayong Mayo 12, naging sentro ng homiliya ang paalala sa matalinong pagboto sa isinagawang First Friday Mass ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan nitong Mayo 2.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Vic Embuido ang misa na idinaos sa Municipal Chapel kung saan hinikayat niya ang mga kawani at opisyal ng bayan na piliin ang mga lider na tunay na may malasakit at kakayahang magdala ng kaunlaran sa komunidad.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ang lahat na sa kabila ng mga pagsubok at kahirapan, ang presensya ng Diyos ay laging kasama sa bawat hakbang ng ating buhay.
Ang misa ay pinangasiwaan ng Municipal Treasury Office katuwang ang Real Property Tax Section at Business Permit and Licensing Section. Dinaluhan ito ng mga opisyal at empleyado mula sa iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan.
Sa pagtatapos ng misa, ipinagdasal ang kagalingan ng mga may karamdaman at ang patuloy na kalakasan ng mga magdiriwang ng kanilang kaarawan ngayong buwan.