Habang papalapit ang holiday season at dumarami ang mga salu-salo at pagtitipon, nagpaalala si Dr. Glenn Soriano, isang US-based doctor at Natural Medicine Advocate, hinggil sa tumataas na panganib ng food poisoning lalo na sa mga handaan.

Ayon kay Dr. Soriano, may iba’t ibang uri ng food poisoning, kabilang ang primary at secondary food poisoning.

Ang primary food poisoning ay direktang nakukuha mula sa mismong pagkain na kontaminado, samantalang ang secondary food poisoning ay karaniwang dulot ng careless food handling, hindi tamang paghahanda, at maling pag-iimbak ng pagkain.

--Ads--

Ipinunto rin ng doktor na mas tumataas ang tsansa ng food poisoning kapag may mga buffet-style na handaan, kung saan ang pagkain ay matagal na nakababad sa service table at hindi agad nare-refrigerate.

Sa ganitong sitwasyon, may tinatawag na “window of time” kung saan madaling makapasok at dumami ang bacteria na nagdudulot ng sakit.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng food poisoning ang pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka, at pagbabawas.

Ayon kay Dr. Soriano, ang mga sintomas ay maaaring lumabas sa loob ng 3 hanggang 6 na oras matapos kainin ang kontaminadong pagkain.

Kapag pinabayaan, maaari itong humantong sa matinding dehydration, kaya’t mahalagang agad magtungo sa emergency room kung lumala ang kondisyon.

Dagdag pa niya, kapag may lumabas na sintomas, mainam na i-isolate ang pasyente at alamin kung ano ang mga kinain upang matukoy ang posibleng pinagmulan ng kontaminasyon.

Bilang pag-iingat, binigyang-diin ni Dr. Soriano ang kahalagahan ng maayos at tamang paghahanda ng pagkain, wastong paghawak, at agarang pagre-refrigerate ng mga leftover upang maiwasan ang food contamination at food poisoning.