Dagupan City – Nagpatupad ng malawakang validation visit ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization kasama ang Municipal Agriculture Office ng Mangaldan upang suriin ang mga dokumento at rekisito ng dalawang samahan ng magsasaka sa bayan.
Kabilang sa pagsusuri ang bank details, account records, annual fees, at income reports ng bawat grupo.
Pinangunahan ito ng mga kinatawan mula sa PhilMech at sinabayan ng Municipal Agriculture Office bilang bahagi ng pagtitiyak na tugma ang datos ng mga asosasyon sa kanilang mga hinihinging makinarya.
Inilahad ng Malabago Mangaldan Farmers Association ang kanilang pangangailangan para sa Village Type Rice Mill at hand tractor. Kaparehong kagamitan din ang hinihingi ng Asosasyon na Masanting Ya Dumaralos na Macayug upang mapalakas ang kanilang produksyon.
Saklaw ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program ang inaasahang distribusyon ng makinarya. Sa ilalim nito, umaabot sa 1,200 hanggang 1,600 yunit kada taon ang ipinagkakaloob sa mga Rice Farmer Cooperatives and Associations, batay sa antas ng pangangailangan at kondisyon ng bawat grupo.
Patuloy namang ipinapaabot ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang suporta sa mga magsasaka upang mas mapabilis ang pag-unlad ng sektor na umaalalay sa ekonomiya ng bayan.










