Dagupan City – Binigyang-diin na hindi maaaring basta itayo ang anumang proyekto, lalo na ang mga solar power energy, nang hindi dumaraan sa masusing proseso ng pag-apruba at pagtitiyak na tanggap ito ng komunidad.

Ayon kay Dagupan City Councilor Atty. Joey Tamayo, pangunahing hakbang ang pagkuha ng pahintulot at suporta mula sa mga opisyal ng barangay na direktang maaapektuhan ng proyekto.

Mahalaga aniya na makuha ang kumpiyansa ng mga residente at lokal na pamahalaan bago ito tuluyang ipatupad.

--Ads--

Kabilang dito ang pagproseso ng mga kaukulang papeles para sa pagpapatayo ng mga gusali at paggamit ng mga kagamitan, na dapat mairehistro at mabayaran ng tamang buwis sa lokal na pamahalaan.

Kinakailangan ding sumailalim sa pagsusuri ng tanggapan ng engineering upang masiguro ang kaligtasan at pagsunod sa mga pamantayan sa konstruksyon.

Kung ang proyekto ay ilalagay sa lupang pag-aari ng gobyerno, dapat munang makakuha ng pahintulot mula sa kinauukulang ahensya para sa kalikasan upang matiyak na hindi ito magdudulot ng pinsala o polusyon sa kapaligiran.

Samantala, ang mga proyektong may kinalaman sa enerhiya ay kailangan ding maaprubahan ng ahensyang nangangasiwa sa sektor na ito, bukod pa sa iba pang clearance mula sa pambansang pamahalaan.

Kapag malawakan ang saklaw ng operasyon, gaya ng pagseserbisyo sa higit sa isang lalawigan, maaaring kailanganin din ang pahintulot mula sa Kongreso.

Para naman sa mga kumpanyang magbibigay ng serbisyong publiko tulad ng suplay ng kuryente, kinakailangan ang prangkisa o pahintulot upang makapag-operate, kasama ang iba pang rekisito tulad ng endorsement at aplikasyon para sa koneksyon.

Iginiit ni Tamayo na bagama’t mahalaga ang lahat ng permit at sertipikasyon, nananatiling susi ang pagtanggap at suporta ng komunidad at ng mga sanggunian sa lugar kung saan itatayo ang proyekto.