Ikinabahala ng kampo ni dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang pagtawag sa kanya bilang “mastermind” habang nagpapatuloy pa ang preliminary investigation.
Ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita na si Atty. Ade Fajardo, maaaring magbigay ng impresyon ang naturang bansag na may nabuo nang konklusyon bago pa man matapos ng Office of the Ombudsman ang pagsusuri sa mga ebidensiya at depensa ni Romualdez.
Nauna nang hiniling ng mga abogado ni Romualdez kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mag-inhibit sa kaso sa isang liham noong Abril 22.
Binanggit ng depensa ang mga pampublikong pahayag ni Remulla tungkol sa imbestigasyon na anila’y maaaring magmukhang may naunang hatol.
“Sa amin pong appreciation, at kami ay nangangamba na dahil sa maraming mga pampublikong posisyon ng kasalukuyang Ombudsman ay parang na-prejudge na, or parang meron nang konklusyon na nabuo, at hinahabol ang ebidensiya para lang masuportahan ’yung legal conclusion,” pahayag ni Fajardo.
Binigyang-diin ni Fajardo na habang nagpapatuloy ang preliminary investigation, kailangan ang patas at walang kinikilingang proseso, lalo’t may mga testimonya pang nagbabago at karagdagang ebidensiyang hindi pa naibibigay sa depensa.
“Ang tawag namin po diyan ay prejudicial, at in effect parang ginagatungan ’yung anumang kaisipan,” sabi ni Fajardo.
Ang preliminary investigation ay proseso upang matukoy kung sapat ang ebidensiya para maisampa ang kaso sa korte.
Hiniling ng kampo ni Romualdez na resolbahin ang mga reklamo batay sa mga ebidensiyang maayos na naihaharap at nasusuri sa proseso, at hindi sa mga bansag na inilalabas habang nakabinbin pa ang imbestigasyon.










