DAGUPAN CITY- Kinokondena ng Amihan National Federation of Peasant Women ang ginagawang pagbalewala sa karapatan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita at mamamayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Cathy Estavillo, Secretary General ng nasabing grupo, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, matagal nang ipinapanawagan ng mga magsasaka ang pagbasura ng master plan sa Hacienda Luisita, sa Tarlac dahil sa tumitinding land-use conversion.

Aniya, noong 2012 pa nang magwagi ang mga magsasaka at napagkasunduang ipamahagi sa hindi bababa sa 12,000 beneficiaries.

--Ads--

Gayunpaman, nagawa pa rin ng Tarlac Development Corporation (TDC) na ikutan ang polisiya at hindi maisakatuparan ang pamamahagi ng mga lupain.

Nagkaroon man ng pakikipagdayalogo sa Department of Agrarian Reform noong Oktubre subalit, hanggang ngayon ay hindi pa natutupad ang pangakong pag-ayos sa problema.

Sinabi ni Estavillo na ang pag-agaw sa lupain ng mga magsasaka ay magdudulot lamang ng kagutuman dahil sa kawalan ng pagtatamnan.

Sa kabilang dako, sinusuportahan ni Estavillo ang pagpapahinto ng minahan sa Dupax del Norte, sa Nueva Vizcaya.

Aniya, isa sa mga nagpapalala ng populasyon ay ang labis na pagmimina sa mga kabundukan.

Kabilang sa mga napipinsala ay ang pang-araw araw na kabuhayan ng mga mamamayan na malapit lamang sa minahan.