DAGUPAN CITY- Hindi suportado ng Department of Education (DEPED) ang mass promotion subalit, ang pagbagsak ng isang mag-aaral ay nakakaapekto umano sa mga kaguruan.
Ayon Ruby Bernardo, National Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers – Philippines, ang mass promotion ay ang pagpasa sa isang mag-aaral kahit pa man na hindi ito natuto sa kasalukuyang baitang nito.
Aniya, isang masakit na bagay para sa mga kaguruan na ipasa ang isang bata kung hindi naman tiyak na natuto ito.
Gayunpaman, ang pagbagsak naman ng isang estudyante ay panibago rin karagdagang trabaho para sa isang guro.
Nakikita rin bilang mababang kalidad ng performance ng isang paaralan ang maraming bumabagsak na estudyante at ito ay kalaunan na makakapekto sa matatanggap na insentibo ng mga guro.
Giit ni Bernardo, hindi ito problema ng isang aspeto kundi bahagi ng malaking manipestasyon sa kinakaharap ng edukasyon sa bansa.
Mungkahi niya na hayaan lamang ang mga guro na kumilos batay sa kanilang akademikong kalayaan at hindi maisisi sa sakanila ang pagbagsak ng isang mag-aaral.
Nais din niyang mabigyan pansin ang kalagayan ng mga kaguruan, katulad ng tamang pasahod.










