Nagbunsod ng pagkalugi sa ilang magbabangus sa Pangasinan ang sama ng panahon dahil sa paglabas ng mga alagang bangus sa mga palaisdaan at sapilitang pag-post-harvest ng ilan sa mga operator. Apektado rin ang kondisyon ng mga isda dahil sa pagbabago ng kalidad ng tubig na nagresulta sa fish mortality sa ilang lugar.
Ayon kay Joey de Leon, fishpond operator at miyembro ng grupo ng mga magbabangus, isa sa mga pangunahing problema sa Binmaley ang pagdami ng putik sa mga palaisdaan na dulot ng sama ng panahon. Dahil dito, nagkaroon umano ng pagkamatay ng mga isda at nabawasan ang kita ng mga nag-aalaga ng bangus. Naranasan din ang bahagyang pagbaba ng presyo ng bangus, bagama’t umaasa ang mga operator na makabawi ito kapag naging maayos ang panahon.
Sa kabila ng pinsala sa ilang palaisdaan, nananatiling sapat sa ngayon ang suplay ng bangus, bagama’t posibleng magkaroon ng bahagyang pagbaba sa suplay sa mga susunod na panahon. Mas mabigat naman ang epekto sa mga magbabangus na may mga utang dahil bukod sa nawalang produksyon, kailangan pa nilang tustusan ang maintenance ng mga palaisdaan upang muling makapagsimula.
Hinikayat ang mga mangingisda at fishpond operator na idulog sa kanilang mga organisasyon ang mga problema sa sektor upang maipaabot sa pamahalaan. Nanawagan din ang grupo ng mga magbabangus ng karagdagang suporta para sa mga naapektuhan ng sama ng panahon, lalo na sa mga operator na nakaranas ng malaking pagkalugi at nangangailangan ng tulong para makabalik sa produksyon.










