Dagupan City – Inihayag ni Leon Castro, Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) Heads – Association of Pangasinan ang masinsin at makulay na hanay ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng ika-436 na Foundation Day ng bayan ng Binmaley, na layong ipakita ang pagkakaisa, kultura, at pasasalamat ng buong pamayanan.
Bubuksan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng mga aktibidad na magbibigay-daan sa pakikilahok ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga barangay, kabataan, senior citizens, at mga organisasyon sa bayan.
Kabilang sa mga inihandang programa ang mga palaro, community activities, at pagkilala sa mga indibidwal at grupong may mahalagang ambag sa pag-unlad ng Binmaley.
Bahagi rin ng selebrasyon ang mga gawaing nakatuon sa kabataan tulad ng funn-run na isasagawa sa Baywalk, gayundin ang mga paligsahan at cultural presentations na magpapakita ng talento ng mga kabataang Binmaleño.
Isasama rin sa programa ang Parangal bilang pasasalamat sa mga biyayang tinamo ng bayan sa loob ng mahigit apat na siglo.
Itatampok din ang People’s Day at Market Night kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor gaya ng mga non-government organizations, TODA, at maliliit na negosyante na makibahagi sa pagdiriwang.
Kasabay nito ang mga aktibidad na naglalayong pasiglahin ang lokal na ekonomiya at palakasin ang ugnayan ng komunidad.
Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga nakatatanda sa lipunan, idaraos ang Senior Citizen Night na magbibigay-diin sa aktibong partisipasyon ng senior citizens sa mga gawaing pangkultura at pampamayanan.
Isasagawa rin ang Laro ng Lahi upang buhayin at maipasa sa mas batang henerasyon ang mga tradisyunal na laro ng mga Pilipino.










