DAGUPAN CITY- Isinasagawa ngayon sa lalawigan ng Pangasinan ang mas pinaiigting ang kampanya kontra droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Rowell C. Isit, Chief ng Intelligence Section ng Philippine Enforcement Group sa Pangasinan, ibinahagi nito ang patuloy na hakbang ng kanilang yunit sa pagsugpo sa illegal na droga sa rehiyon.
Aniya, kasalukuyang nagsasagawa ng mga aktibidad ang kanilang grupo sa ilalim ng supply at demand reduction efforts ng mga ahensya ng gobyerno.
Isa sa mga pangunahing gawain ay ang pagbibigay ng mga lektura sa mga barangay, ospital, at paaralan upang turuan ang kabataan tungkol sa masamang epekto ng ilegal na droga.
Isinagawa rin ang mga buy-bust operations at narcotics detection dog operations sa mga pantalan at paliparan upang masiguro ang kaligtasan ng komunidad.
Dagdag pa ni Isit, nais nilang ipabatid sa komunidad na ang laban kontra droga ay hindi laban ng kapulisan lamang, kundi laban ng buong sambayanan.