Mas epektibo parin ang pagtaas ng taripa bagkus na pansamantalang pansamantalang itigil ang pag-aangkat ng bigas sa loob ng 60 araw.

Ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), bagama’t isang welcome development ang pansamantalang pagsuspinde ng rice importation, hindi ito sapat upang matugunan ang matagal nang hinaing ng mga magsasaka na nalugi dahil sa sobrang pag-angkat ng bigas sa mas murang halaga.

Aniya hindi sapat ang suspensiyon ng rice importation dahil panandalian lamang ito.

--Ads--

Bagkus ang mas epektibong solusyon ay ang ibalik ang taripa mula 15% sa 35% upang hikayatin ang mga trader na bumili ng lokal na palay sa mas mataas na presyo.

Samantala, batay sa kanilang pagtaya, umabot sa P50 bilyon ang nalugi sa mga lokal na magsasaka dulot ng pagbaha ng imported rice sa merkado.

Kaya’t sa halip na panandaliang hakbang, mas makabubuti aniya na may sistematikong polisiyang magtataguyod sa interes ng lokal na sektor ng agrikultura.

Sa ngayon ay malaki ang total volume ng aanihin at walang shortage na nakikita, pero ang presyo ng palay ay nananatiling mababa.

Kaya’t naniniwala ito na sa pamamagitan ng mas mataas na taripa, mas mapo-protektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka, na siyang pinaka-apektado sa patuloy na pagbaba ng farmgate price ng palay.