DAGUPAN CITY — Isang welcome development para sa Alliance of Concerned Teachers at ACT-Teachers’ Partylist ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa batas na magtataas sa P10,000 teaching o chalk allowance ng mga guro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimer Quetua, Chariperson ng nasabing samahan, sinabi nito na ipinaglaban ng kanilang organisasyon ang Chalk Allowance na ngayon ay kilala na sa tawag na Kabalikat sa Pagtuturo Act sa loob ng maraming taon.

At sa loob aniya ng mahabang panahon na ito ay malaki na rin ang kanilang ginastos na pondo mula sa kanilang sariling mga bulsa para sa kanilang mga pangangailangan sa pagtuturo.

--Ads--

Ito ay sa gitna ng pagdoble ng tulong na ibibigay ng pamahalaan sa kanila mula sa P700 noong 2011 na umakyat sa P5,000 at nadoble na sa darating na taong panuruan 2025-2026.

Ani Quetua na ito ay malaking tulong sa mga guro na tinatawag na ang kanilang mga sarili na “Abono Kings” at “Abono Queens” sa gitna ng pagsabay ng sektor ng edukasyon sa digitalisasyon at modernisasyon sa bansa.

Sinabi pa nito na natutuwa sila dahil ang matagal nilang pinaglaban bagamat sa loob ng 13 taon ay nakamit na nila ngayon.

Habang inaasahan naman nila sa ilalim ng administrasyong Marcos na matutupad din ang matagal na nilang ipinapanawagang pagtaas sa sahod.

Samantala, ibinahagi naman nito na nakapaloob sa matatanggap nilang teaching allowance sa susunod na taon ay ang tinatawag na Incidental Expenses na nangangahulugang tax-exempted na ito at matatanggap nila ito ng buo para sa kanilang pangangailangan sa pagtuturo.

Kasunod naman nito ay mayroong apat na salik silang isusulong sa susunod na State of the Nation Address ni Pangulong Marcos at kabilang na nga rito ang umento sa sahod, pagtaguyod ng Teachers’ Protection Act, pagpapababa ng retirement age, at ang panghuli ay ang isyu ngayon sa Government Service Insurance System (GSIS).