Umiiral pa rin ang lakas ng Bagyong Crising habang ito’y patuloy na kumikilos patungong northwest patungong Babuyan Islands, ayon kay Jose Estrada Jr., Chief Meteorologist ng PAGASA-Dagupan.
Bandang 135 kilometro silangan ng Tuguegarao, Cagayan ang kinaroroonan ng bagyo, taglay ang lakas ng hangin na umaabot mula 75 hanggang 90 kilometro bawat oras.
Aniya na bumilis rin ang galaw nito sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Sa susunod na 12 oras, inaasahang tatawid na ito sa coastal waters Cagayan.
Samantalang sa loob ng 36 oras, inaasahang lalabas na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay Estrada, patuloy na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang lalawigan ng Pangasinan, kung saan nakakaranas ng katamtaman hanggang sa bahagyang malalakas na pag-ulan na maaaring tumagal hanggang bukas.
Dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan, pinapayuhan ang mga residente sa mabababang lugar na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Bagaman inaasahang lalabas ng PAR si Crising, may posibilidad pa rin na lalakas ang buhos ng ulan dulot ng dating tropical depression na ngayo’y isa nang tropical storm.