DAGUPAN CITY — Bagamat nanumbalik na sa dating sitwasyon ang Lingayen matapos na makatanggap ng bomb threat ang isang paaralan sa bayan, hindi pa rin naman nagpapakampante ang mga kinauukulan ng munisipalidad sa gitna ng paghimok ng ilang mga konsehal ang kagyat na pagtugon at pagresponde sa mga ganitong uri ng sitwasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Councilor JM Crisostomo, sinabi nito na natanggap ng kanilang information office ang mensahe kaugnay sa bomb threat na kaagad naman nilang inilapit sa Lingayen Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Aniya na hindi basta-basta na lamang ipagsawalang-bahala ang mga ganitong usapin sapagkat bagamat ‘fake news’ lamang ang dating nito nang matanggap nila ang mensahe ay kinakailangan pa rin ng kagyat na pagtugon sa isyu.
Pagbabahagi naman nito na sa kanilang nakuhang impormasyon at imbestigasyon ng mga kinauukulan sa pinagmulan ng naturang bomb threat, lumalabas na isang Japanese account ang ginamit upang mag-iwan ng mensahe sa tanggapan ng Office of the Civil Defense na nagsabing may maaaring mangyari na mga pagsabog ng bomba.
Subalit deactivated na umano ang account nang subukan nila itong imonitor matapos na matanggap nila ang mensahe.
Kaugnay nito ay patuloy naman ang kanilang ginagawang hakbangin kabilang na ang pakikipagugnayan sa National Telecommunications Commission upang ma-trace ang mga ginamit na social media accounts ng mga nagpadala sa kanila ng mensahe, habang nag-hihintay na rin lamang umano si Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil ng resulta ng imbestigasyon ng kapulisan upang makapagplano na sila ng mga hakbangin at mekanismo laban sa mga bomb threat.
Samantala, ikinababahala ng Department of Education Region I ang maya’t maya’y natatanggap nilang mga bomb threat.
Sa kaugnay na panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Tolentino Aquino, Regional Director ng nasabing kagawaran, sinabi nito na bagamat sanay na ang mga Punong Guro na umaksyon kaugnay sa mga ito, patuloy pa rin nilang pinaaalalahanan ang pamahalaan ng bawat paaralan na hindi dapat basta na lamang binabalewala ang mga ganitong banta.
Pinasasalamatan naman nito ang mga awtoridad na sa tuwina’y nagiging kaagapay nila sa pagtugon sa mga ganitong krisis, lalong lalo na sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro.
Sa kasalukuyan ay kinokonsidera naman ng kagawaran ang pagsama ng pagtugon sa tuwing nakakatanggap sila ng bomb threat sa mga drill na kanilang isinasagawa bilang bahagi ng paghahanda sa mga mag-aaral at guro sa mga ganitong pagkakataon.