DAGUPAN CITY- Inaasahang bababa ang bilang ng mga turistang bibisita sa Alaminos City ngayong darating na Holy Week dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at epekto ng krisis sa pandaigdigang ekonomiya.

Ayon kay Mike Sison, tourism officer ng lungsod, mas magiging konserbatibo ang projection ngayong taon kumpara sa nakaraang taon dahil inaasahang mas kaunti ang biyaheng gagawin ng mga turista, lalo na ang mga bumibiyahe mula sa malalayong lugar.

Batay sa datos noong nakaraang taon, umabot sa 4,773 ang dumating noong Huwebes Santo, 8,355 noong Biyernes Santo, 7,788 noong Black Saturday, at 3,528 noong Easter Sunday.

--Ads--

Gayunman, posibleng hindi maabot ang katulad na bilang ngayong taon dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Para naman sa darating na apat na araw ng Semana Santa, target ng lungsod ang humigit-kumulang 19,900 na turista, bagama’t nananatiling hamon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gasolina na maaaring makaapekto sa aktwal na bilang ng mga darating na bisita.

Ayon kay Sison, sa kabila ng mga hamon, nananatiling positibo ang tanggapan ng turismo ng lungsod na malalampasan ang mga pagsubok.

Target ng lungsod na makapagtala ng 350,000 turista ngayong 2026, mas mataas kumpara sa 300,000 target noong nakaraang taon na nalampasan at umabot sa humigit-kumulang 380,000 bisita.

Sa aspeto ng kita, mula sa target na P40 milyon noong nakaraang taon, umabot ito sa mahigit P44 milyon sa kabila ng epekto ng mga bagyo tulad ng bagyong Emong at Uwan na pansamantalang nagpahinto sa biyahe patungong Hundred Islands National Park.

Umaasa rin ang lokal na pamahalaan na bababa ang presyo ng langis sa mga susunod na buwan upang muling makahikayat ng mas maraming turista at mapanatili ang maganda ekonomiya ng lungsod.