DAGUPAN CITY- Hindi na bago sa Pilipinas ang paglaki ng mga perang inilalabas ng mga politiko sa kaso ng vote-buying at pang-aabuso sa pera ng bayan habang papalapit ang halalan.

Ayon kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, isang magandang bagay sa commitment ng Commission on Elections (Comelec) ang paglalabas ng show-cause order laban sa mga hinihinalang sangkot sa nasabing mga kaso.

Aniya, may mga kandidato na pakunwaring namimigay ng pera sa kanilang political rally at sinasabing tulong lamang ito o papremyo sa pasimpleng palaro.

--Ads--

May ilan naman na idinadaan sa e-wallet ang pamimigay ng pera subalit, ani Arao mas madali itong matukoy dahil sa money trace.

Gayunpaman, kailangan matukoy ng ahensya ang tunay na mastermind sa likod ng mga ito dahil sa mga nakaraang halalan, ang nakakasuhan lamang ay ang mga napag-utusan.

Mahirap din naman na iasa sa warrantless arrest ang pag-aresto sa mga sangkot sa mga kasong nabanggit dahil maaaring makaapekto sa nagsagawa nito, lalo na sa mga nasa mahihirap.

Giit pa ni Prof. Arao, ang pangangampanya ay dapat gamitin ng mga kandidato upang pag-usapan ang mga isyu na kinakaharap ngayon ng bansa bilang pagpapalakas ng kanilang kredibilidad.