Hinarang ng mga pulis ang martsa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) patungong Embahada ng Estados Unidos kung saan layon sana ng grupo na kondenahin ang umano’y agresyon ng US laban sa Venezuela.

Ayon kay Raymond de Vera Palatino, Secretary General ng BAYAN, bagama’t hindi sila pinayagang makarating sa US Embassy, matagumpay pa rin nilang naiparating ang kanilang mensahe.

Kabilang dito ang pagkondena sa sinasabing panghihimasok ng Estados Unidos sa Venezuela at ang pagpapakita ng pakikiisa sa mamamayan ng nasabing bansa.

--Ads--

Tinuligsa rin ng grupo ang umano’y pagkidnap sa Pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro, na anila’y malinaw na paglabag sa international regulations at norms.

Giit ni Palatino, nakababahala ang ganitong uri ng pagkilos ng US na umano’y handang balewalain ang mga pandaigdigang tuntunin basta maisulong lamang ang sariling interes.

Pinapakita aniya ng Amerika na patuloy itong nangingialam sa mga usapin ng ibang bansa, kabilang ang pambobomba at panghihimasok sa kanilang pamahalaan.

Dagdag pa niya, hindi dapat umasa ang Pilipinas sa Estados Unidos pagdating sa pagtatanggol ng sariling soberanya.

Binigyang-diin din ng BAYAN na kung nais ng Pilipinas na igalang ng ibang bansa ang international rules-based order, hindi dapat manatiling neutral ang pamahalaan.

Ayon sa grupo, nararapat na tumindig ang bansa, gaya ng ibang estado, laban sa pananakop at panghihimasok ng dayuhang kapangyarihan.

Ipinahayag din ng grupo ang pagkadismaya sa pahayag ng Malacañang na anila’y tila parehong pananagutin ang Estados Unidos at Venezuela, nang hindi malinaw na tinutukoy kung sino ang may pananagutan.

Ayon kay Palatino, bagama’t malayo ang Venezuela sa Pilipinas, apektado pa rin ang bansa sa usapin ng kalakalan at ekonomiya dahil sa mga ganitong tensyon.

Sa huli, iginiit ng BAYAN na ang nangyayari sa Venezuela ay patunay ng asal ng Estados Unidos na umano’y patuloy na nangingialam sa mga gawain ng iba’t ibang bansa upang isulong ang sariling interes.