Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang operasyon at serbisyo ng pamahalaan sa kabila ng kinakaharap na krisis sa enerhiya at matinding init ng panahon.
Sa kanyang vlog, sinabi ng Pangulo na hindi maaaring maparalisa ang gobyerno anuman ang hamon na kinakaharap ng bansa. Aniya, tuloy-tuloy ang mga proyekto sa imprastraktura tulad ng mga kalsada at tulay, gayundin ang mga serbisyo sa kalusugan, edukasyon, seguridad, at suporta sa sports, kultura, at turismo.
Binigyang-diin din ni Marcos ang kahalagahan ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH, na layong matugunan ang kakulangan sa maayos at disenteng tirahan ng maraming Pilipino.
Ang programa umano ay hindi lamang pagtatayo ng bahay ang layunin ng programa kundi ang pagbibigay ng pag-asa at dignidad sa bawat pamilyang Pilipino.
Samantala, sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development Jose Ramon “Ping” P. Aliling na iba’t ibang housing modalities ang ipinatutupad, kabilang ang house-and-lot options, upang mas maraming Pilipino ang makinabang.
Dagdag pa ng mga benepisyaryo, mas naging abot-kaya ang pabahay dahil sa subsidized interest rate na nasa 1 hanggang 3 porsiyento, alinsunod sa direktiba ng Pangulo.
Sa kabuuan, muling iginiit ng administrasyon na tuloy-tuloy ang mga programang naglalayong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino—kabilang na ang pagkakaroon ng sariling tahanan na matagal nang pangarap ng maraming pamilya.










