Maraming sakahan ang binaha at ilang bahagi ng Nueva Ecija ay tila naging catch basin ng tubig-ulan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodel Cabuyaban – Magsasaka sa nasabing probinsiya lubog sa baha ang maraming taniman, at ang mga bagong tanim na palay sa ilang bayan ay inanod at nasira.

Ito ay dahil sa biglaang pagbuhos ng malakas na ulan pagkalipas ng tatlong oras kahapon, dahilan upang umapaw ang mga irigasyon at ilog sa mga karatig bayan.

--Ads--

Sa gitna ng pagbaha, maraming lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng suspensyon ng klase upang maiwasan ang posibleng panganib sa mga estudyante.

Dahil dito ay doble ang dagok naman sa kanila bukod sa pinsalang dulot ng ulan, ay bumagsak na rin ang presyo ng palay sa ilang bayan, na umaabot na lang sa ₱7 hanggang ₱9 kada kilo.

Bagama’t walang araw, hindi maibilad ang mga ani ng mga magsasaka, kaya’t napipilitang ibenta ng sariwa, kahit malugi.

Pagbabahagi niya na isa sa nakikita niyang dahilan ng ganitong presyuhan ay dahil sa P20 kada kilo rice program ng Pangulo.

Samantala, hinimok naman ng lokal na pamahalaan at mga agricultural offices ang mga magsasaka na makipagtulungan at humingi ng suporta.

Kung balak magtanim muli, mainam na maghintay munang bumaba ang baha at makisuyo ng mga natirang punla mula sa ibang magsasaka.

May ilan ding nagpaplanong magtanim na lamang ng gulay, upang makahabol pa bago matapos ang panahon ng taniman.

Subalit nananatiling hamon para sa kanila ang limitadong puhunan, lalo’t maraming magsasaka ang umutang ng ₱40,000 pataas, bukod pa sa interes.

Sa kabila ng lahat, umaasa naman si Cabuyaban ng agarang aksyon at tulong na maibibigay ng pamahalaan para sa mga magsasakang apektado upang muling makabangon mula sa unos.