DAGUPAN, CITY— Maraming mga indibidwal ang nahaharang sa border control checkpoint sa lungsod ng Dagupan dahil sa kawalan o pamemeke ng kaukulang dokumento para makapasok sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimir Juliano, ang QR-code inspector sa border checkpoint sa naturang lungsod marami umano silang nasisita sa checkpoint na namemeke ng kanilang medical certificate at antigen test.
Ayon kay Juliano, natutuklasan nila ito sa pamamagitan ng pagtawag sa mga nakalagay na mga numero sa kanilang papel ngunit lumalabas na hindi ito numero ng isang ospital kundi personal number lamang.
Bukod pa rito, pinepeke rin ang mga pirma at mga antigen na kanilang ipinepresenta ay ibinibigay lamang ng kanilang amo.
Dagdag pa niya na marami din ang hindi nakakapasok sa lalawigan dahil na rin kawalan ng mga kaukulang dokumento.