Hindi dapat agad sisihin ang online games sa mga insidenteng kinasasangkutan ng kabataan, lalo na sa mga insidente ng karahasan sa paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Argel Masanda isang Psychologist, maaaring may kaugnayan ang online gaming sa ilang pag-uugali ng kabataan, ngunit hindi ito maaaring ituring na nag-iisang dahilan ng isang mapanganib na insidente.

Aniya, kailangang tingnan ang mas malawak na konteksto dahil maraming salik ang maaaring makaapekto sa pag-uugali ng isang bata o kabataan.

--Ads--

Binigyang-pansin din ni Masanda ang obserbasyon na maging ang mga nakaraang henerasyon ay naglalaro rin ng mga larong may violent themes gaya ng Dota at Counter-Strike, ngunit hindi nangangahulugang awtomatikong nagiging marahas ang mga manlalaro.

Para sa psychologist, nagpapakita ito na hindi sapat na iugnay lamang sa online games ang mga insidente ng karahasan.

Sa halip, kabilang sa dapat tingnan ang kapaligirang kinalalakihan ng bata, paraan ng pagpapalaki, exposure sa media, emotional regulation at kakayahang kontrolin ang sariling kilos at emosyon.

Ayon kay Masanda, nagiging problema kapag nasasanay ang mga kabataan na makita o marinig ang maling gawain bilang normal o katanggap-tanggap.

Maaari umano itong makaapekto sa kanilang pananaw kung ano ang tama at mali, lalo na kung hindi sapat ang paggabay ng mga nakatatanda.