DAGUPAN CITY- Isang pagkilala ang natanggap ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan matapos gawaran ng Special Citation Award ang Municipal Agriculture Office o MAO mula sa Department of Agriculture.
Iginawad ang parangal bilang pagkilala sa mahusay at aktibong pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF, partikular sa Seed at Extension Programs para sa 2024 wet season at 2025 dry season.
Tinanggap ang parangal sa pangunguna ng Rice Banner Coordinator at Agricultural Technologist na si Manuel S. Aquino.
Kasabay ito ng isinagawang Region 1 Partners Planning Workshop ng National Rice Program at RCEF na pinangunahan ng Department of Agriculture at Philippine Rice Research Institute noong Disyembre 18 hanggang 19 sa Paoay, Ilocos Norte.
Ayon sa Department of Agriculture, mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa maayos na paghahatid ng mga programang pang-agrikultura.
Sa kaso ng Mangaldan, kinilala ang kakayahan ng MAO na maipatupad nang maayos ang mga interbensyon ng pamahalaan at maiparating ang tulong sa mga magsasaka sa tamang panahon.
Patunay rin ang parangal na epektibong naabot ng mga programa ng DA ang mga magsasakang Mangaldanian, lalo na sa pagpapalakas ng produksyon ng palay at pagbibigay ng sapat na kaalaman at binhi sa mga benepisyaryo.
Samantala, ipinahayag naman ng pamahalaang bayan ang pagpapahalaga sa patuloy na pagsusumikap ng Municipal Agriculture Office.
Ayon sa alkalde, mahalaga ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan ng MAO sa mga national agency upang mas marami pang programa at suporta ang maihatid sa sektor ng agrikultura.










