Dagupan City – Binigyang diin ng Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP) ang manifesto ukol sa delayed na distribusyon ng binhi at pataba.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Oftociano “Anong” Manalo, National President ng Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP) sinabi nito na nagdudulot ito ng malaking epekto sa mga magsasaka partikular na sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa katunayan aniya, lumapit na ito kay Department of Agriculture Region 1 Regional Director John B. Pascual at agad namang napabilis ang distribusyon ng binhi.
Gayunpaman, sa kabila ng nalalapit o kasalukuyang anihan, ay wala pa ring natatanggap na fertilizer ang mga magsasaka sa lalawigan ng Pangasinan.
Naging katanungan naman nito na dapat sana’y sabay ang pamamahagi ng binhi at pataba, pero bakit laging nahuhuli.
Dagdag pa ni Manalo, hindi rin umano nakikinabang ang mga lokal na magsasaka sa isinusulong na P20 kada kilong bigas ng administrasyon dahil hindi naman sila ang target nito, kaya’t walang direktang benepisyo ang mga magsasaka sa nasabing programa.
Kaugnay nito, nananawagan si Manalo sa Department of Agriculture na ayusin at agahan ang distribusyon ng mga ayuda para sa mga magsasaka, lalo na’t papalapit na ang panibagong cropping season.