Nagbabala ang transport group na MANIBELA na maaari silang magsagawa ng malawakang transport strike sa mga susunod na araw kung magpapatuloy ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sinabi ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang transport groups upang mapagkaisahan ang mga hakbang na kanilang isasagawa bilang tugon sa patuloy na oil price hikes.

Ayon kay Valbuena, hindi nila hinihiling ang dagdag-pasahe bilang agarang solusyon sa problema. Sa halip, nais nilang maipatupad ang mga nakabinbing ayuda para sa sektor ng transportasyon.

--Ads--

Nagpahayag din ng pangamba ang MANIBELA na posibleng umabot sa ₱100 kada litro ang presyo ng diesel at gasolina kung magpapatuloy ang epekto ng tensyon at kaguluhan sa Middle East sa pandaigdigang merkado ng langis.

Ayon kay Valbuena, may posibilidad umanong gamitin ng ilang oil companies ang pandaigdigang sitwasyon bilang dahilan upang muling magpatupad ng malaking oil price hike.

Kasabay nito, hinimok ng MANIBELA ang Department of Energy (DOE) na mas mahigpit na bantayan ang galaw ng presyo ng langis at tiyaking hindi naaabuso ng mga oil companies ang sitwasyon.

Iminungkahi rin ni Valbuena na buksan ang financial records o “books” ng mga kumpanya ng langis upang matiyak kung makatarungan ang kanilang kita at kung naaayon sa aktuwal na galaw ng pandaigdigang presyo ng krudo ang kanilang ipinatutupad na price adjustments.

Ayon sa MANIBELA, mahalagang magkaroon ng mas malinaw na pagsusuri sa oil pricing upang maprotektahan ang mga transport workers at mga mamamayang lubhang naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.