Ikinasa ng grupong Manibela ang tatlong araw na transport strike na magsisimula sa Agosto 10 bilang panawagan para sa rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, layunin ng transport strike na hilingin sa pamahalaan ang agarang pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Kung hindi naman umano maibibigay ang rollback, hinihiling ng grupo ang P2 fare increase upang makatulong sa mga tsuper at operator na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo.

--Ads--

Sinabi ni Valbuena na tatlong araw ang kanilang transport strike upang ipakita sa pamahalaan na seryoso ang kanilang panawagan at hinaing.

Samantala, nanawagan umano ang Malacañang sa grupo na ipagpaliban muna ang transport strike at sa halip ay makipagdayalogo sa pamahalaan.

Inaasahang magkakaroon ng pagpupulong sa mga susunod na araw upang talakayin ang kanilang mga panawagan at alamin ang magiging tugon ng pamahalaan.

Sinabi rin ng grupo na makikiisa sa transport strike ang ilang transport cooperative at transport corporation.