Umaasa ang mga mango growers sa lalawigan ng Pangasinan na tuluyan nang hihinto ang pag-atake ng mga peste sa kanilang mga taniman kasabay ng pag-init ng panahon ngayong buwan ng Marso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Mario Garcia, Presidente ng Pangasinan Mango Growers Association, na patuloy pa ring bumabangon ang kanilang sektor mula sa matinding pinsalang dulot ng bagyo noong Nobyembre at pagdami ng cecid fly o kurikong noong Disyembre at Enero.
Ayon kay Garcia, umabot sa 80 hanggang 90 porsyento ang pinsala sa ilang bahagi ng western Pangasinan dahil sa kombinasyon ng masamang panahon at peste.
Sa Central Pangasinan naman, kabilang ang San Carlos at Malasiqui, nagsagawa ng repeat spraying ang mga magsasaka upang masagip ang natitirang pamumulaklak at bunga ng mangga.
Gayunman, nakikita ng asosasyon ang pag-init ng klima bilang positibong senyales.
Ipinaliwanag ni Garcia na mas dumarami ang peste kapag malamig ang panahon, ngunit kapag umiinit na, lalo na tuwing tanghali, ay nababawasan ang aktibidad ng mga insektong sumisira sa bunga.
Dahil sa matinding pinsala, aminado si Garcia na mas mababa ang produksyon ng mangga ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Malaki ang ibinawas ng pag-atake ng peste sa mga pananim na dapat sana’y aanihin ngayong unang bahagi ng taon.
Noong Pebrero, nasa P40 hanggang P50 kada kilo ang farmgate price ng mangga. Subalit sa kasalukuyan, umaabot na sa higit P100 kada kilo ang presyo nito sa mga pamilihan at malls dahil sa kakulangan ng suplay.
Ayon kay Garcia, ramdam ng mga mamimili ang pagtaas ng presyo, at maaaring hindi ito agad maabot ng ilang kababayan.
Gayunpaman, inaasahan nilang bababa rin ang presyo pagsapit ng Marso at Abril kapag nagsimula na ang sabayang anihan sa Region 3, kabilang ang Bulacan at Pampanga na may malaking volume ng produksyon ng mangga.
Samantala, hinihikayat ni Garcia ang lahat ng mango growers sa Pangasinan na magpatuloy sa pag-spray at maayos na pangangalaga sa kanilang mga puno upang makahabol sa produksyon at makapagsuplay muli sa mga processing plant na hanggang ngayon ay wala pang natatanggap na bagong delivery ng mangga.










