Patuloy na nakararanas ng mababang ani ang mga mango grower sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa malawakang pag-atake ng cecid fly.

Ayon kay Mario Garcia, Presidente ng Pangasinan Mango Growers Association, tinatayang 80 porsiyento ng mga taniman ng mangga sa Pangasinan ang apektado ng naturang peste.

Kabilang sa mga lugar na iniulat na may matinding pinsala ang Bugallon, Aguilar, Mangatarem, at iba pang bayan sa lalawigan.

--Ads--

Saad niya, bagama’t may ginagamit na mga pestisidyo ang mga magsasaka, hindi pa rin ganap na epektibo ang mga ito laban sa cecid fly.

Noong kasagsagan ng monsoon at mga bagyo, umabot umano sa 20 porsiyento ang pinsala sa ani.

Pagsapit ng Disyembre, tumaas ito sa 50 porsiyento, habang ngayong Enero ay kakaunti na lamang ang naaani at mas malaki na ang pinsalang dulot ng peste.

Dahil sa kakulangan ng suplay ng mangga sa lalawigan, nananatiling mataas ang presyo nito.

Gayunman, matapos ang Bagong Taon ay nanatiling mataas ang presyo, ito na ang unang beses sa kasaysayan na umabot sa ₱60 hanggang ₱70 kada kilo ang farmgate price ng mangga sa Pangasinan matapos ang selebrasyon ng Bagong Taon dahil kadalasan ay bumababa ang presyo.

Inaasahan namang posibleng tumaas pa ang presyo sa susunod na buwan dahil sa inaasahang mababang ani.

Kapag tuluyang inatake ng tinatawag na “kurikong” ang bunga, ito ay nahuhulog, nagiging dilaw, at hindi na mapapakinabangan.

Ayon kay Garcia, mas kaunti ang pinsala noong nakaraang taon dahil mas maaga ang init ng panahon.

Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na hinihikayat ni Garcia ang mga mango grower na huwag sumuko, ipagpatuloy ang tamang pag-iispray, at maghanda para sa pagbangon ng industriya kapag tuluyang pumasok ang dry season, kung kailan inaasahang mawawala ang cecid fly at unti-unting makakarekober ang produksyon ng mangga sa lalawigan.