Matinding pagkadismaya ang inihayag ng mga manggagawang Pilipino sa NCR kasunod ng anunsyo ng dagdag na ₱50 sa arawang sahod.

Ayon kay Jerome Adonis Chairperson ng Kilusang Mayo Uno, tila insulto at pambabarat umano ang ganitong uri ng pagtaas, lalo na’t malayo ito sa kasalukuyang antas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kung saan mariing binatikos nito ang sistemang regional wage hike, na paulit-ulit umanong ginagawang dahilan upang mapigilan ang makatwirang dagdag-sahod.

--Ads--

Dahil dito ay muli silang naghain ng panukalang batas sa Kongreso na naglalayong itaas sa ₱1,200 ang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.

Pangunahing basehan ng panukala ay ang kalagayan ng mga nasa sektor ng agrikultura, manupaktura, at iba pang mahahalagang industriya.

Gayunman, giit niya na tila patuloy lamang na tinatanggihan ng Malacañang ang pagsulong ng nasabing panukala.

Nanawagan din ito sa Kongreso at Senado na agad na i-certify bilang urgent ang nasabing legislated wage increase upang hindi ito “matulog” sa komite.

Anila, ang matagal nang pagkakabaon ng mga manggagawa sa mababang sahod ay hindi na dapat ipagpaliban pa.

Samantala, sa kabilang banda iginiit din ng grupo na ang mga kabataan, lalo na ang mga SHS graduates, ay unti-unti nang hinihikayat pumasok agad sa trabaho kaysa magpatuloy ng pag-aaral.

Kung saan pinipilit ng kahirapan ang mga ito na tanggapin ang temporary o mababang trabaho.

Lalo ang mga ganitong edad ay ang nasa pinaka-produktibong yugto ng kabataan madaling turuan at handang matuto ngunit kung hindi tutugunan ng gobyerno ang krisis sa sahod, patuloy silang magiging biktima ng sistema.