Nagsagawa ng Active Threat Awareness and Safety Preparedness Orientation ang Mangatarem Police Station sa Mangatarem National High School sa Mangatarem, Pangasinan nitong Oktubre 5, 2026, para palakasin ang kaalaman at kahandaan ng mga guro at mag-aaral sa pagtugon sa mga posibleng banta at emergency.
Pinangunahan ni PMAJ Arturo C. Melchor Jr., Chief of Police ng Mangatarem Police Station, ang aktibidad na tumalakay sa kahalagahan ng pagiging alerto, tamang pagtugon sa emergency at pagsunod sa mga itinakdang pamamaraan sakaling magkaroon ng insidente, kabilang ang active shooting.
Kasama rin sa orientation ang mga usapin hinggil sa anti-bullying at Violence Against Women and Children o VAWC. Binigyang-diin dito ang respeto, pakikipagkapwa, responsableng pag-uugali at agarang pag-uulat sa mga guro, magulang o kinauukulan ng anumang insidente ng bullying.
Tinalakay rin ang online safety upang gabayan ang mga mag-aaral sa pagprotekta sa kanilang personal na impormasyon, pagkilala sa kahina-hinalang online activities at pag-iwas sa mapanganib na content at pakikipag-ugnayan. Hinikayat din ang ligtas at responsableng paggamit ng social media at iba pang digital platforms.










