Dagupan City – Nagsagawa ng foot patrol at pakikipagdayalogo sa komunidad ang mga tauhan ng Philippine National Police sa ilalim ng himpilan ng Mangaldan bilang bahagi ng pinaigting na police visibility at kampanya laban sa krimen sa kanilang nasasakupan.
Isinagawa ang aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng bayan upang mapalakas ang presensiya ng pulisya sa mga pampublikong lugar.
Sa naturang operasyon, nakipag-ugnayan ang mga pulis sa mga residente, vendor, at may-ari ng mga establisimyento upang talakayin ang mga usapin sa kapayapaan at kaayusan.
Nagbigay rin sila ng mga paalala kaugnay ng kaligtasan at hinikayat ang publiko na makiisa sa pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad.
Ayon sa Mangaldan Municipal Police Station, layunin ng foot patrol na makapigil sa posibleng krimen sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagbabantay at pagmomonitor sa komunidad.
Bahagi rin ito ng pagpapatatag ng ugnayan ng pulisya at mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan.
Patuloy na isasagawa ng himpilan ang kahalintulad na mga aktibidad bilang bahagi ng kanilang mandato na tiyakin ang seguridad at kaayusan sa Mangaldan.










