Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang monitoring at quarantine measures laban sa African Swine Fever o ASF, kahit wala pang naitatalang kaso ng sakit sa bayan.
Kabilang ang Mangaldan sa Yellow Zone o surveillance zone batay sa klasipikasyon ng Bureau of Animal Industry noong Setyembre 24, 2026.
Bilang bahagi ng hakbang, maglalagay ng animal quarantine checkpoints sa mga estratehikong lugar upang masuri ang mga sasakyang nagdadala ng mga baboy na papasok sa municipal abattoir.
Ipatutupad din ang “No Documents, No Entry” policy para sa mga shipping vehicle, kung saan kailangang maipakita ang mga kinakailangang permit at veterinary documents bago makapasok ang mga kargamento.
Nagsagawa rin ng post-meat establishment control at tracing operations sa ilang barangay talipapa sa Mangaldan upang matukoy ang pinagmumulan ng karne at masuri ang mga kaukulang dokumento.
Sinusuri rin ang mga meat shop at chicken dressing plant para matiyak ang pagsunod sa business permit at sanitation requirements, habang mahigpit na ipinagbabawal ang backyard slaughtering o pagkakatay ng baboy sa mga hindi awtorisadong lugar.
Ang ASF ay isang nakahahawang sakit na tumatama sa mga baboy ngunit hindi nakahahawa sa tao. Wala pa itong opisyal na bakuna o gamot, kaya patuloy ang pagbabantay at pagpapatupad ng biosecurity measures upang maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng sakit na maaaring makaapekto sa industriya ng paghahayupan.










