DAGUPAN CITY- Nagsimula nang magpatupad ng mga hakbang ang pamunuan ng Mangaldan National High School, bilang paghahanda sa paparating na tag-ulan.

Layon ng mga hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan at tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga estudyante sa kabila ng pabago-bagong panahon.

Ayon kay School Principal Eduardo Castillo, Isa sa mga pangunahing tinitingnan nila ngayon ay ang kondisyon ng mga silid-aralan matapos ang brigada eskwela.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nilinaw ng pamunuan na wala namang silid-aralang direktang naaapektuhan ng mga ulan, kaya’t ligtas pa ring nakakapasok at nakakapag-aral ang mga estudyante.

‎Bagamat may mga bahagi ng paaralan na nasa mabababang lugar, tiniyak ng pamunuan na hindi ito nagdudulot ng pagbaha sa mga daanan na dinadaanan ng mga estudyante.

Patuloy rin umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa mga karagdagang hakbang kung sakaling lumala pa ang panahon.

‎Sa pamamagitan ng maagap na paghahanda, nais ng paaralan na mapanatili ang kaayusan at ang kalidad ng edukasyon ng kanilang mga mag-aaral sa kabila ng taunang hamon ng panahon.