Pinaiigting ngayon ng pamunuan ng Mangaldan National High School ang mga hakbang sa seguridad kasunod ng pagkalat ng mga umano’y banta sa social media sa ilang paaralan sa lalawigan na nagdudulot ng pangamba sa mga mag-aaral, guro, at mga magulang.

Ayon kay Assistant Principal II Danilo S. Eden, matagal nang ipinatutupad ng paaralan ang iba’t ibang security measures tulad ng regular na inspeksyon ng mga bag ng mga estudyante, mahigpit na pagbabantay ng mga security personnel, at patuloy na pagpapaalala sa mga mag-aaral hinggil sa mga ipinagbabawal na dalhin sa loob ng campus.

Nakipag-ugnayan na rin ang paaralan sa kapulisan at mga barangay tanod upang mapalakas ang presensya ng mga otoridad sa loob at paligid ng paaralan bilang dagdag na pananggalang laban sa anumang posibleng banta.

--Ads--

Binigyang-diin nito na seryoso nilang tinatrato ang bawat ulat ng pagbabanta upang matiyak ang kaligtasan ng lahat lalo na sa maaring banta sa kanilang paaralan sa social media.

Ibinahagi nito na matagal na silang nakakapagtala ng online bomb threats o iba pang uri ng pananakot online pero halos lahat ay pawang walang katotohanan.

Ipinaliwanag naman nito na alinsunod sa DepEd Order No. 006, Series of 2026, maaaring mapatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mapatutunayang sangkot na estudyante sa pagpapakalat ng mga banta laban sa mga paaralan kung saan posible na itong hindi makaenrol sa darating na pasukan kapag napatunayan.

Hinimok din niya ang mga mag-aaral na maging responsable sa paggamit ng social media at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon o pananakot na maaaring magdulot ng takot at pagkaantala ng klase.

Nanawagan din siya sa mga magulang na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak.

Samantala, nababahala naman ang ilang estudyante ng paaralan gaya ni Ralph Laurence Lopez na hindi mawawala na makaramdam sila ng takot ganun din ang kanilang mga magulang dahil isa ang paaralan sa pinakamaraming bilang ng mga estudyante sa buong rehiyon 1 pero nananatili naman silang alerto at sinusunod ang mga paalala ng kanilang mga guro at advisers hinggil sa mga dapat gawin sakaling magkaroon ng emergency.

Nanawagan din siya sa mga nagpapakalat ng mga banta na itigil ang ganitong gawain dahil nagdudulot ito ng pangamba at nakaaapekto sa pagpasok at pagkatuto ng mga estudyante.

Saad naman ni Hannah Jane Laza na patuloy silang nag-iingat at umaasa lamang sa mga opisyal na impormasyon mula sa paaralan.

Hinikayat din niya ang publiko na huwag magpakalat ng online threat dahil lalo lamang nakadaragdag sa takot at nakagagambala sa normal na daloy ng klase.

Dahil dito, tinitiyak ng pamunuan ng Mangaldan National High School na magpapatuloy ang pagpapatupad ng mahihigpit na hakbang sa seguridad at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang mapanatiling ligtas ang kapaligiran ng paaralan para sa lahat.