DAGUPAN CITY- ‎Nanatiling tahimik at matiwasay ang bayan ng Mangaldan sa Pangasinan mula pa sa pagsisimula ng campaign period hanggang sa mismong araw ng halalan.

Bagamat kabilang ang bayan sa yellow category ng Commission on Elections, na indikasyon ng potensyal na election-related incidents, wala namang naitalang insidente na may kinalaman sa eleksyon ayon sa pulisya.

Ayon sa hepe ng Mangaldan PNP na si Police Lieutenant Colonel Perlito Tuayon, nakaposisyon ang kanilang mga tauhan sa mga polling centers upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa paligid ng mga voting precincts.

Katulad ng ibang istasyon ng PNP sa rehiyon, dalawang pulis ang itinalaga sa bawat sentro ng botohan.

Sa kabila ng mga natanggap na ulat ng umano’y vote buying, lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na karaniwang pagkukumpulan lamang ito ng mga residente at walang konkretong ebidensya na may naganap na pamimili ng boto.

Pinuri rin ni Tuayon ang naging kooperasyon ng mga botante at kandidato sa bayan, na aktibong umiwas sa anumang kilos na maaaring makasira sa maayos na daloy ng halalan.