Dagupan City – Isinagawa ang pamamahagi ng hybrid rice seeds sa mga magsasaka bilang paghahanda sa nalalapit na tag-ulan sa bayan ng Mangaldan.
Ang programang ito ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng Department of Agriculture (DA) upang mapataas ang ani ng palay sa bansa.
Ayon kay Juanito Jim Español, Presidente ng Pangasinan Confederation of Irrigators Associations (PCIA), katuwang ng kanilang organisasyon ang lokal na pamahalaan at ng DA sa pamamahagi ng mga binhi.
Kung saan ang mga magsasakang nakatanggap ng mga binhi ay mga rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at sa Municipal Agriculture Office (MAO) ng Mangaldan, upang matiyak na sila ay mga lehitimong magsasaka.
Ang mga hybrid rice seeds ay ibinibigay para sa main cropping season, na magsisimula sa mga susunod na linggo. Ang paggamit ng hybrid seeds ay inaasahang magdudulot ng mas mataas na ani, mula sa 7 hanggang 15 metric tons bawat ektarya, kumpara sa average na 3.6 metric tons gamit ang mga inbred seeds.
Hinikayat din ni Español ang mga magsasaka na mag-apply sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang magkaroon ng libreng insurance coverage para sa kanilang mga pananim sakaling magkaroon ng sakuna.